top of page

Ang Ating Landas

By: Aja Capistrano

Graphics by: Cassius Klai C. Francisco

Photo by: Mary Lesley A. Beriña


Bilang isang Gen. Z na mag-aaral, hindi ko maitatanggi na ninais kong umalis at magtrabaho sa ibang bansa pagkatapos ko grumadweyt ng kolehiyo. Alam ko karamihan sa aking mga kaklase ay parehas lang din ang iniisip dahil sino ba naman ang gusto magtrabaho sa bansa natin na mababa lang ang sahod at napakabigat na workload, patuloy na pagtaas ng implasyon, at talamak ang korapsyon. Pag-ikukumpara natin ang ating bansa sa iba — mataas ang sweldo, may benepisyo, maayos ang transportasyon, may healthcare at mas maraming oportunidad — sa panahon kung saan ang pera ang nagdidikta ng ating kalusugan at ginhawa, hindi natin masisisi na karamihan ng ating kapwang Pilipino ay nag-iibang bansa upang bigyan ang kanilang pamilya at sarili ng magandang buhay. 


Alam ko madidismaya ang aking dating sarili kung nalaman niya ang aking desisyon ngayon dahil para sa akin mas nakikita ko na manatili dito sa bansa — hindi dahil sapat sa akin ‘yung sahod na makukuha ko pagkatapos grumadweyt (kahit sa totoo lang, alam ko kakapusin ako) — dahil gusto ko ipaglaban, kasama ang mga mardyinalisadong komunidad na lumalaban, ang ating karapatan na makamit ang matiwasay at mapayapang buhay na hindi na kailangan mag-ibang bansa para lang matamo ang ating pangangailangan. Hindi ko ine-engganyo lahat na manatili dahil meron tayong sari-sariling kalagayan: meron sa atin kailangan ng mataas na sahod upang suportahan ang pamilya, at marami sa atin ang umaalis dahil mas maraming oportunidad. Sapagkat, paano natin malulutas ang pag-alis ng ating mga kababayan at ang mga kondisyon na nagtulak sa kanila kung hindi tayo kumikilos sa ating katutubong lupa at iaasa lahat sa mga nakaupo?  


Bilang mga inhinyero sa hinaharap, meron tayong tungkulin sa lipunan lalo’t sa pag-unlad nito. Kailangan natin makita nang depinido kung ano talaga ang kasalukuyang sistema lalo na ang kalagayan ng siyensiya at teknolohiya (S&T) sa ating lipunan: hindi ito obhektibo at hindi ito malaya sa galamay ng politiko, ngunit ito ay isang sandata o gamit ng mga mayayaman upang silbihan lamang sila at kanilang mga interes habang ang milyon-milyong ordinaryong Pilipino ay nagkakandarapa maka-akses sa mga mahahalagang serbisyo katulad ng pangkalusugan, transportasyon, pabahay, atbp. Sa pag-aaral natin ng mga konsepto at teorya, nakakalimutan natin bigyan ng pansin ang aspetong pantao — na ang batayan kung bakit nabuo ang atin propesyon. Sa pagtatayo ng mga highway at ng mga bagong kalsada, at sa pagbuo ng bagong teknolohiya, ang nagbebenepisyo ba sa mga proyekto at produkto nito ay ang taumbayan? Hindi natin masisisi kung sinusuka ng masa ang ating konsepto ng progreso kung una, iba ang realidad na kanilang nararanasan; pangalawa, kung ang serbisyo at produkto natin ay ang mayaman lang rin ang nakikinabang. Bilang mga aktibong ahente ng S&T, layunin natin na idirekta ang mga proyekto, produkto, at serbisyo nito sa benepisyo ng masa at lutasin ang isipan na pang-akademiko at pang-elitista lamang ang mga ito. 


Isang erya at paniniwala na kailangan nating wakasan ay ang ideya na ang erya ng siyensiya at teknolohiya ay imparsiyal. Ang ganitong paniniwala ay, sa kabuuan, prinepreserba ang status quo — kung saan ang nakikinabang sa mga benepisyo sa mga erya na ito ay ang mga mayayaman habang ang mga mahihirap ay nagkakandarapa magka-akses sa mga simpleng serbisyo at produkto. Lubhang naranasan natin ito noong panahon ng pandemya kung saan hirap tayo maka-akses ng mga simpleng bagay katulad ng pagkain at trabaho at higit sa lahat ang serbisyong pangkalusugan. Ilang beses na natin narinig ang balita ng ating kamag-anak, kapitbahay, o ng kakilala natin na namatayan dahil walang sapat na serbisyong pangkalusugan — katulad ng gamot, oxygen tank at akses sa doktor — noong panahon na iyon habang ang mga nakaupo at ang mga nasa mayayaman na subdivision ay hindi namomoproblema kung saan sila pupuntang ospital para magpagamot o kukuha ng perang pambayad para pampagamot. Isa lamang ito sa maraming halimbawa na ang siyensya at teknolohiya sa ating lipunan ay nakatuon sa interes ng mayayaman habang tayong mga ordinaryong Pilipino ay tahasang nahihirapan sa makakuha ng mga batayang serbisyo at produkto. 


Lahat tayo ay may iba’t ibang landas na matatamo pagkatapos grumadweyt upang makamit natin ang ating mga pangarap para sa ating sarili at sa ating pamilya. Bagkus, nakakalimutan rin natin ang ating tungkulin at koneksyon sa ating lipunan lalo’t na ang ating mga kababayan, na katulad rin natin, na nagnanais at nangangarap rin ng maayos at matiwasay na buhay para sa kanilang pamilya at patuloy lumalaban sa kanilang karapatan. Kaya makiisa tayo sa laban para magsulong ng isang malayang at pantay na lipunan kung saan ang ating pangangailangan ay naibibigay, hindi batay sa estado sa buhay, dahil ito’y ating karapatan.

9 views0 comments

Recent Posts

See All

Paean

Commenti


bottom of page