Literary Art by: Andreah Faye G. Lapinid
Babae Ako, Walang "Lang" at Walang "Pero"
By: Enirias
Sabi ng matatanda, ako ay babae lamang,
Taga-asikaso ng mga anak, tagapunas ng pawis ng asawa.
Kailangan pino at mahinhin ang aking bawat hakbang,
At ang babaeng katulad ko ay nararapat lamang sa kusina.
Sabi ng matatanda, mangarap nang mataas,
Pero para sa babaeng katulad ko, makapangasawa lamang ng mayaman ang nararapat.
Sa lalaki lang dapat ang pagiging malakas,
at sa babaeng tulad ko, sa iisang lalaki lamang dapat “tapat”.
Ngunit isang araw, aking napagtanto;
ako ay babaeng may karapatan, at ako ay isa pa ring tao.
Taong malayang mangarap at maaring gumalaw nang walang panghuhusga.
At babaeng maaring maging malaya, nang walang natatanggap na pangmamata.
Dahil ang babae ay hindi mahina
Hindi lang puro kinang tulad ng mga tala
dahil katulad nila Gabriela, ang kababaihan ay malakas at matapang.
Handang sumugod sa batalyon ng mandirigma, handang lumaban nang walang urungan.
Kaya huwag magpatinag. Karapatan natin ay ipaglaban
Dahil ang pagiging babae ay hindi isang kahinaan
Huwag mong hayaan dumapo ang mga kamay ng mapang-abuso
Dahil ikaw ay babae, walang “lang,” walang “pero”
Comments