By: ver
Graphics by: Crismhil S. Anselmo
Photo by: Ma. Chinie M. Sta. Juana
Sa pagpasok ko rito, ako'y nawindang.
Hindi ka uusad kung katamaran ay iyong susundan.
Lahat abala, luha sa mata, malayo ang isip at nakakakaba.
Kaya tara, kilusan mo palagi, bago ka mahuli.
Sadyang ‘di madali, pero hindi, kasi kung susumahin sa huli may sukli.
Meron ka ‘di bang pangarap na tutuparin
O nais makuha kaya sarili mo'y kaladkarin.
Ang makuha mo ‘to dapat nakahandang pasanin.
Malayo sa patag, masulok ang gubat, hindi kapanatag sa sistemang sumasalamin.
‘Di marining ang iyong daing, imbis magpagkain, subukan mong alamin.
Matira matibay o ikaw ang kakarnehin.
Hayaang matusta sa mga pangamba,
Sa problemang dala may kaaakibat na solusyon kung marunong ka lang tumingin.
Kahit mabigo, ‘wag kang lumiko, nanaisin mo ‘tong abutin,
Kung ayaw mo d’on na tumungo bukas ang pinto.
‘Di ka makakalapit kung ‘di ka handang makipagbuno.
Sariling tiwala kapitan na parang tuko.
Palambutin na agad kapag matigas ang iyong bungo.
Mainam na pagdamutan ng ligaya
Kung nagawa mo naman lahat ng makakaya
Kahit sitwasyon mo ngayon, para kang tubong may nakabara.
Pabalik-balik ka man sa makitid na eskinita,
Mahaba ang daan palabas, pero iyong makikita.
Palagi mang duda
Pag tiningnan mo laging pula,
Parang apoy, ‘di na maapula
Matalinghaga, pero akin lang pinapamukha
Andito ka na, kung saan nasa tama.
Konting tiyaga, kahit pigado
Bawat segundo, ‘di ka man sigurado, basta natututo.
Manatiling gutom, at nakatayo.
Usad-pagong man, at least nakakalayo.
Sa kada tira man ay hindi laging pasok
Sa kada mintis at kada sablay,
tatanggapin pa rin nang matiwasay.
Ako'y babalik, matutulog muna ng saglit
Sa aking pagbangon ay kapanapanabik
Na sa muling pagsampa, handang mabugbog nang makapasa.
Alam kong hindi na ‘to madadala pa sa ihip ng hangin
Walang ibang paraan kundi matinding panalangin.
Gayunpaman, magiging alanganin abutin kung sa sipag kukulangin.
Comments