Dalangin kay Libulan
By: Crismhil S. Anselmo
O, Panginoong Libulan, dumudulog ang 'yong alipin sa 'yo't humihiling na ang gabi'y iyong palalimin pa. Sapagkat sa pagdaong ng dilim sa kalangitan umaalingasaw ang silakbo ng aming mga damdamin. Nakikiusap akong paningningin mo ang mga bituin ng sansinukob. Dinggin mo ang aking dalangin at nangangakong ako sa 'yo'y luluhod at sasamba.
Mangyari nawang paulanin mo ang mga ulap sa dagtum na langit. Nang sa baha'y makalangoy ang mga sirenang pilit na kinakabitan ng paa—bagamat 'di makalakad. Maging munting paraiso nawa ang pagsisid sa kakarampot na tubig mo. Magtitiis dito hanggang malayo ang kaluwalhatian ng dagat.
Palalimin mo rin sana ang gabi, Panginoon. Nang sa mapayapang kadiliman ay mapanatag ang mga kulay ng bahagharing nagtatago sa liwanag. Sa ilalim ng munting liwanag mo, sana'y makaindak ang iyong mga alagad nang walang humpay.
O, dinggin mo kami, Panginoon. Sandigan namin ang dilim; Katiwala sa sikreto ng aming makulay na pagkatao. Sa gabi'y nilulubos ang panandaliang paglaya na dagling kinukuha pagsapit ng umaga. Ibigay mo na sa amin ito, Libulan. Marami na kaming sinundo ng minamahal mong si Sidapa.
Subalit kung ika'y mag-aabot ng biyaya mula sa kaharian mo sa Langit, maaabutan at masasalubong na namin ang bukang liwayway. Indayog ng mga bulaklak sa ihip ng hangin ay amin nang lantarang sasabayan. Lagablab ng apoy ay bibigyan ng aming daan-daang kulay.
Sa wakas, makalalaya na ako sa tanikala ng pangamba; Makasasayaw na ako nang walang takot. Bagwis ng paru-parong mistula agila ay papagaspas, maaasam ang kasarinlan nang 'di alintana ang banta ng parusa. Tumingala ka, o Tao, at pagmasdan ang silakbo ng daang kulay ko. Ako ang makulay na Diwata, alagad ni Libulan, nawa'y tanggapin mo.
Commentaires