Graphics by: Cristelle S. Corpuz
Photo by: Rhenee Rose M. Robles
Pagbabalik ng Panahon
By: Maurine Claire F. Kim
Ngayon ko lang ulit hinawakan ang aking panulat para muling isigaw ang binubulong ng aking damdamin. Hayaan mong ako naman ang magbigay, sa halip na tumanggap.
Mahal, ito ang unang sulat na gagawin ko para sa’yo na pangalan mo ang sentro. Ako na muna ang maglalaro ng mga salitang tayo lang ang nakauunawa kaakibat ang mga gunita at kwento nating dalawa.
Aaminin kong ganoon ko na lamang nasayang ang mga pagkakataong inilaan mo para sa akin. Alam kong ako ang nagkamali at paumanhin kung sinimulan kong guluhin ang tahimik at payapa mong mundo. Gustuhin ko mang balikan o baguhin pa ang lahat subalit hindi na siguro maaaring magbago pa ang ihip ng hangin na sa ati'y dumapo. Huli na nang napagtanto kong hindi na sapat ang mabulaklak na mga salita ngayong inaangkin ka na ng iba. Masyado nang masakit sa damdamin nang nakawin ka sa akin ngunit maaari pa bang bumawi, dahil noong sinabi mong ika’y nakaraan at ako ang kinabukasan, hindi ko na naisip na sa kasalukuyan manirahan.
Kung maibabalik ko ang panahon, pipilitin kong isigaw sa mundo kung paano tayo nagpalitan ng panitik. Gusto kong muling balikan ang ating nakaraan kahit na mabuksan pa ang naghilom nang sugat at mas lumalim pa ang sakit. Ikukuwento ko, sasabihin ko, isisigaw ko sa buong mundo kung paano mo ako ipinagtanggol at kung paano kita ipinaglaban noong handa pa akong ibigay ang lahat sa’yo.
Kagaya na lamang ng mga tanawin na minsang ipinakita mo, lagi kong ninanais na makita muli ang mga akdang nilikha mo para sa akin. Kaya’t isasalin ko muna sila sa mga gawang palihim para pagdating ng panahon ay maibabahagi natin sa mundo kung paano tayo nagpalitan ng mga salita, o ang bahagi ng yugto ng pag ibig na sa ati'y namalagi.
Kaya salamat sa mga salitang patuloy na bumubuhay sa akin. Kung biglaan mang magbago ang ihip ng hangin, ako’y iyo nang maasahan at isisigaw ko nang buong lakas na ika’y nararapat na sa akin.
Hanggang dito na muna, salamat sa pagmamahal, giliw ko.
Comments