top of page

Pagwawasto Sa Mga Kalituhan: Munting Aral Sa Gramatikang Filipino

Article by: Kristin Clarisse H. Mateo and Marianne Lois M. Boncolmo



Sa pag-usbong ng teknolohiya at ng maraming hiwagang bitbit nito, maraming Pilipino na ang nakalilimot sa tamang paggamit ng mga salita sa sariling wika. Mas madalas na rin kasing itinitipa ang salita kaysa ibinibigkas. Nang dahil sa mga dahilang ito, malapit na sigurong magtampo si Balagtas at kakaunti na lang ay babango na ang malansang isda na tinukoy ni Rizal.


Sa diwa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito, narito ang ilang mga nakalilitong salita sa wikang Filipino at kung paano sila magagamit nang wasto dipende sa mga sitwasyon.


Ng, Nang

Kahit na ang “ng” at “nang” ay magkatunog, ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng magkaibang kahulugan. Ang “ng” ay ginagamit bilang pantukoy ng pangngalan o panglahad ng pagmamay-ari. Samantalang ang “nang” ay isang panghalili sa mga salitang “noong,” “para,” at “upang.” Ginagamit din ito upang sumagot sa tanong na “paano” o “gaano,” at bilang pang-akop ng mga pandiwang inuulit.


Isang halimbawa ay “Kumuha siya ng kursong pag-iinhinyero sa Mapúa upang makapagtapos sa pag-aaral nang mabilis.”


Rin/Din at Daw/Raw

Madalas mang napagpapalit, ang “rin” o “din” at “daw” o “raw” ay mayroong wastong paggamit pa rin. Ang “din” at “daw” ay kasunod ng mga salitang nagtatapos sa mga katinig maliban sa /w/ at /y/. Sa kabilang banda, ang “rin” at “raw” ay sumusunod sa mga salitang nagtatapos sa mga patinig at sa mga letrang /w/ at /y/.


Ang halimbawa nito ay “Hindi raw siya makasasama sa ating lakad dahil sa dami ng kaniyang mga ipapasang gawain bukas, pero susubukan daw niyang makabawi sa Sabado. Ang sabi niya pa ay hindi rin siya makatatagal kahit siya ay sumama sa atin kaya kami ay pumayag na lang din.”


Paggamit ng unlaping ni-

Nikakain. Nitatakbo. Nikukuha. Ang mga salitang ito ay hindi wasto dahil hindi naman unlapi ang “ni-“. Bagamat madalas itong ginagamit ng ibang wika sa bansa, ang mga wastong gamit ng mga ito sa Filipino ay “kinakain,” “tinatakbo,” at “kinukuha.”


Nakaka-

Kadalasan, nauulit ang “ka” sa mga salitang “nakakaloko,” “nakakatamad,” at “nakakabaliw” ngunit hindi angkop ang mga salitang ito. Ang pantig na dapat inuulit ay ang unang pantig ng salitang ugat na bahagi ng salita. Halimbawa nito ay “nakaloloko,” “nakatatamad,” at “nakababaliw.”


Na, -Ng, -G

Ang mga pang-angkop ay nag-uugnay sa panuring at itinuturing nito. Ginagamit ang “na” kapag ang dulo ng salitang panuring ay nagtatapos sa katinig maliban sa letrang /n/. Ang “-ng” naman ay ikinakabit sa dulo ng panuring na nagtatapos sa mga patinig. Samantalang ang “-g” ay ginagamit karugtong ng panuring na nagtatapos sa titik /n/.


Halimbawa, “Wala akong panahong ayusin pa ang mga papeles naiyan.”


Palang, Pa lang

Bagamat puwang lang ang pagitan ng dalawa, magkaiba pa rin ang kanilang ibig sabihin. Ang “palang” ay pinagsamang “pala” at pang-angkop na “-ng” na madalas ginagamit para magpahayag na ang isang bagay ay totoo pala. Samantalang ang “pa lang” ay tumutukoy sa oras o bilang.


Ang isang halimbawa ay “Naghihintay ka lang palang may bumalik, pero ako pa lang ang dumarating.”


Kung, Kapag

Sa pagitan ng “kung” at “kapag,” mahalagang alamin ang kasiguruhan sa isang kalagayan. Ginagamit ang “kung” sa tuwing hindi nasisiguro ang katiyakan ng isang bagay, samantalang “kapag” naman ang ginagamit sa mga tiyak na kalagayan.


Maaaring halimbawa nito ay “Kapag kumakain ka paniguradong lulusog ka, lalo na kung gulay ang kakainin mo.”



Bagamat maraming Pilipino ang hindi pamilyar sa tamang paggamit ng mga salitang ito, nararapat lamang na ito ay bigyang-pansin, hindi lamang ngayong buwan ng Agosto. Ang wika ay bahagi ng ating pagkatao – ng ating identidad. Pagkatapos ng munting aralin sa gramatika at patuloy na pagsunod sa mga nadaanang alituntunin, marahil ay matutuwa na si Balagtas at magiging mas malansa muli ang isdang nabanggit ni Rizal.

4 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


  • Facebook
  • X
  • Instagram

© 2019 by The New Builder | All Rights Reserved

bottom of page